Monday, December 18, 2006

robbed

Dapat kasi wala lang ang gabing yun e. Parang isang gabi na mawawala din sa kadena ng mga nagmamadaling gabi.

Hangos ako lagi pag-uwi galing sa trabaho pero syempre iba ang pagmamadali ko twing Miyerkules dahil un ang araw na umuuwi ako sa Paombong. Syempre isasara mo na ang browser mo dahil kwentong-Bulacan na naman 'to. Hindi 'to tungkol sa probinsya ko pramis. Pero kung di ka na talaga mapipigilan go lang nang go.

So ayun, bumaba ng building, sumakay ng jeep papuntang MRT at nag-antay ng matagal-tagal para mapuno ang FX. Hindi napuno. Nag-antay pa uli ng konti, bakasakali lang daw sabi ng manong drayber. Lintsak naman! Nag-aantay lang yata ng holdaper tong mokong na 'to e! Antay pa uli ng konti. Tapos nag-antay pa uli. Tapos konti pa.

Minsan nauuubusan din ng tiyaga pati ang makulit kaya pinaandar na rin ng drayber ang FX. Napatingin ako sa kanya nang napabagal ang takbo ng FX sa may tapat ng SM North Edsa. Nu'n ko lang napansin ang nakasulat sa likod ng damit n'ya-- B O L A K A N. Pramis, with spaces in between. Malay natin baka naman pangalan niya talaga yun, kaya tawagin na lang natin siyang Mang BOLAKAN. Pero di naman tungkol sa kanya ang kwento. Tungkol 'to sa mamang sumakay sa may overpass sa Muñoz.

Patulog na ako nang maramdaman kong bumagal uli ang takbo ng FX. Inisip ko weird na oras naman ang alas-onse ng gabi para magkatrapik ng gano'n--kahit pa sa Maynila. Nang huminto ang sasakyan, tinanggal ko ang ulo ko sa pagkakayukyok sa aking malaking bag. Ewan kung saang sulok ng madidilim na kanto sa Muñoz nanggaling ang ang mamang yon. Naalala ko na lang na bumukas ang pinto, sumunod na nangyari nakaupo na ang mama sa gitna ng FX. Sa likod ako nakasakay nun kaya nakita ko ang mga galaw nung mama. Parang di kasi siya mapakali.

Naisip ko Shet! Dzizizizit!

Swak na swak kasi yung mama sa deskripsyon ng mga holdaper sa pelikula. Nakasombrero, madilim ang mukha, nakasuot ng maong na pantalon, puting t-shirt-- maong na jacket na lang ang kulang. Nakita ko kung paanong may kinakapa siya sa ulo nya at paminsan-minsang tumingin ng malayo sa labas ng bintana, parang humahanap ng timing. Kahit na ayaw kong mangyari, inantay ko kung kelan siya maglalabas ng punyal.

Sinimulan niyang kausapin ang matandang aleng sa tabi niya. Sabagay, kung pipili ka nga naman ng biktima, sa mahina na ka na muna. Inintay kong sumigaw ang ale. Planado na sa isip ko yun, ikakalang ko ang braso ko sa leeg ng mama tapos ipasusuntok ko na siya sa katabi ko, tapos kukunin namin ang dala niyang karit, o itak o baril o kung ano, tapos ipupukpok namin sa kanya. Tapos--
Sumagot ang ale, may sinabi siya sa mamang mukhang holdaper. Mukhang may simpatiya ang sinabi niya dun sa mama. Kahit medyo nagulat pinakinggan ko ang usapan nila, sa puntong ito hindi na bulungan lang ang kwentuhan kaya naman nasundan ko na ang kwento.

"Na-holdap ho ako e.." umpisa ng mama, may puntong-Hagonoy sa pagitan ng mga salita. (May halo din ng puntong Paombong.) Palihim na tumingin sa kanya ang mag nasa paligid--kahit paano sinubukan naman ng iba ang ilihim ang tingin. "Di pa nga ako nakakapasok e. Namali lang ako ng binabaan." Natigil sandali ang mama, siya naman ang palihim na suminghot. Nayuko ako sa upuan ko, nagkunwaring di narinig ang mabilis na pagpasok ng hangin sa ilong niya. Nagtanong ang ale sa tabi ng mama, tungkol sa kung paano nangyari. "Ey, diyan ho kasi ako pumapasok sa may Batasan'iy. Dapat'iy sa may Camachile ako bababa 'iy nakatulog ho ako. Kaya sabi ko sa drayber'iy dun na lang sa susunod kanto 'ko ibaba." Bumibilis ang kwento ng mamama, pero hindi na niya kinakausap ang ale sa tabi niya. Nang iangat ko ang ulo ko'y nakita kong nakatanaw siya sa malayo. "Di ho umakyat na lang ang ako duon sa oberpas. Kamalam-malam ko ho'iy may dalawa nang lalaking sumasabay sa akin!" Naiimagine kong habang kinukwento niya'y nag-iinstant replay sa utak ng manong ang mga nangyari. " Ba'y sukat na laang akong hatawin ung isa sa ulo! Tubong bakal pa'y ginamit e!" Tinanggal ng manong ang baseball cap niya, hinagod sandali ang ulo saka pinakita sa ale ang kamay. " Ere nga ho't may dugo pa reng..."

Tatlong minuto ang dumaan at walang nagsalita.

"Lalaban dapat ako'y kaso mo'y..." Mainam na rin yon, sabi ng ale, baka kung napaano ka pa kung lumaban ka. Sinighot ng mama ang sipon na wala naman sa ilong niya. Natahimik uli ang loob FX. Pinanood ko kung paanong lumusot ang sasakyan namin at sasakyan ng iba. Maya-maya'y suminghot na naman ang Mama, wala pa rin siyang sipon pero nakita kong nabasa sandali ang pisngi niya.

Wednesday, November 15, 2006

welcome, i hope we both stay.

Matagal na rin kasi akong di makapag-blog e. E ano naman ngayon no? Wala lang. iniisip ko kasi, baka kaya di ko na maituloy yung isa e dahil natapos ko na siya dati pa. Kaya eto, umpisa uli!